PARA SA BAGONG KABANATA.
- Carrah Cruise
- Feb 27, 2019
- 2 min read
Updated: Jul 19, 2019

Hindi ko na maalala kung kelan nagsimula at hindi ko na din mabilang kung ilang milyong beses na dumaan sa isip ko kung tama ba o mali ang ginagawa ko. Lagi kong pinapaalala sa sarili ko na wag masyado magisip, pero habang lumilipas ang panahon, maraming pagkakataon ang dumadaan na hindi ako sigurado kung tama bang pakinggan ko ang sarili ko, o katulad ng iba sundan ko na lang din ang normal na agos ng buhay.
Kung tutuusin, sino ba ang niloloko ko, madalas kong maisip para saan ba at nabubuhay tayo?
Bakit ko ba inaalam ang mas malalim na kahulugan ng buhay. O kaya naman, mas tama bang sundin ko yung tinitibok ng puso ko at mawala yung mga taong hindi nakakarinig nito o makisayaw na lang sa tugtog ng buhay ng nakakarami..Kasi sa bandang huli, andito pa din tayo para sa iba.. Pakiramdam ko,habang tumatagal, imbes na mapanatag, lalo akong naguguluhan.
Iba't ibang tao, pagkakataon, lugar, nasyon at iba't ibang karanasan na ang nakaharap ko.. Sa abot ng pagkakaintindi ko, alam kong walang tamang sagot.. at wala ding tamang tanong.. at kahit saan ako magpunta, walang sinuman ang makakasagot kung paano ko ba talaga gagawin to. Maraming kasaysayan, kasulatan at adhikain na akong nabasa at narinig, sa bawat kwento ng mga namukod tangi, karamihan sa kanila ay inialay ang sarili para sa pagmamahal, sa bayan, sa pamilya, o sa mga espesyal na minamahal. Maaaring wala din silang ideya kung tama ba o hindi yung ginagawa nila. Siguro hindi din nila inakalang mailalagay sila sa kasaysayan o hindi matutulad sa karamihan ang buhay nila. Pero sa pagkakaintindi ko sila yung mga taong sinunod ang nararamdaman, mainit na tinalakay ang buhay gamit ang puso.
Kaya naman, kung may isang bagay akong laging gustong masiguro. Yun ay ang mapanatiling laging nasa tamang lugar ang puso ko. Siguraduhing kilala ko sya at alam ko kung anong makapagpapasaya sa kanya. Dahil alam kong kahit saan ako magpunta, o kahit ano pa ang makita, maranasan o maabot ko, hindi ko maaarok ang tunay na kahulugan nito, kung hindi ko kilala ang puso ko.
Sa ngayon eto lang muna. Para sa bagong kabanata ng buhay ko..
Comments